Manila, Philippines – Iginiit ni Senator Imee Marcos na hindi dapat ituon lamang ng gobyerno ang contingency plan nito para mailikas ang mga Overseas Filipino Workers o OFWs na nakabase sa Iran at Iraq.
Diin ni Marcos, tiyak maaapektuhan maging ang mga OFWs na nakabase sa iba pang mga bansa sa Middle East sakaling lumala ang tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Bunsod nito ay pinapatiyak ni Marcos na mayroong trabaho na sasalubong sa mga OFWs na uuwi mula sa gitnang silangan.
Tinukoy ni Marcos ang datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2018 na halos kalahating milyong mga OFWs ang nasa Saudi Arabia, habang 300,000 naman ang nasa United Arab Emirates (UAE) at tig-100,000 naman sa Kuwait at Qatar.
Nasa 30,000 Pinoy workers naman ang nasa Israel habang tig-10,000 lamang ang nasa Iraq at Iran.
Pinabibigyang pansin din ni Marcos sa gobyerno ang bigyan ang mga Filipino seafarers na nagtatrabaho sa mga oil tankers.