
Nagbigay ng paalala ang TRABAHO Partylist sa lahat ng nagnenegosyo na na sundin ang mga legal na alituntunin ukol sa tamang paglabas ng huling sahod ng mga umalis na empleyado na nakakumpleto ng clearance sa trabaho.
Binigyang-diin ng grupo ang kahalagahan ng pagsunod sa batas upang maprotektahan ang mga karapatan ng mga manggagawa.
Ipinahayag ni Atty. Mitchell-David L. Espiritu, tagapagsalita ng TRABAHO Partylist, ang kanilang alalahanin ukol sa mga naiulat na pagkaantala sa paglabas ng huling sahod, isang practice na nananatiling karaniwan kahit may mga umiiral na regulasyon mula sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Ang mga regulasyong ito ay nag-uutos sa mga kumpanya na lutasin ang lahat ng mga pinansyal na obligasyon, kabilang na ang huling sahod, sa loob ng isang takdang panahon matapos ang pag-alis, pagtanggal, o pagtatapos ng kontrata ng isang empleyado.
Ayon sa Philippine labor law, obligado ang mga employer na ibigay ang huling sahod ng empleyado sa loob ng 30 araw matapos ang huling araw ng trabaho ng empleyado. Kasama sa huling sahod ang lahat ng hindi pa nababayarang suweldo, hindi nagamit na leave credits, 13th-month pay, at iba pang benepisyo na karapat-dapat sa manggagawa.
Binanggit ni Atty. Espiritu na ang hindi pagsunod dito ay hindi lamang nagdudulot ng pagkalugi sa mga manggagawa kundi maaari ding magdulot ng legal na pananagutan para sa mga kumpanya.
Binanggit din ng tagapagsalita na ang pagkaantala sa huling sahod ay maaaring magdulot ng pinansyal na problema para sa mga empleyadong umaasa sa kanilang huling sahod para sa kanilang mga agarang gastusin.
Nanawagan ang grupo para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng mga batas paggawa, kabilang ang mas mabigat na parusa para sa mga negosyong paulit-ulit na hindi natutupad ang kanilang obligasyon sa mga manggagawa.
Sa patuloy na pagtaas ng kamalayan ukol sa mga karapatan ng manggagawa at ang kahalagahan ng pagsunod sa mga batas paggawa, nananatiling committed ang TRABAHO Partylist sa pagsusulong ng kapakanan ng mga manggagawang Pilipino at hinikayat ang publiko na suportahan ang makatarungan at tamang pagtrato sa lahat ng mga empleyado sa lugar ng trabaho.