Manila, Philippines – Magsasagawa ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng dalawang araw na National Assessment Day para sa mga Technical Vocational Education and Training (TVET) graduates at mga interesadong manggagawa.
Ang National Assessment Day ay gaganapin sa June 26-27, 2018 sa lahat ng accredited assessment centers sa buong bansa.
Ayon kay TESDA Director General, Secretary Guiling Mamondiong, ang isasagawang assessment at certification ay libre kaya dapat itong samantalahin ng mga TVET graduates at mga manggagawa na nangangailangan nito para sa pag-aaplay ng trabaho.
Ipinaliwanag ni Mamondiong na ang libreng assessment at certification services ay bukas para sa mga interesadong industry workers na mayroon ng work experience, sa mga career shifters at mga unemployed adults na naghahanap ng trabaho, graduates ng TVET programs, at mga guro, trainers at iba pang individwal na sumailalim na sa pagsasanay sa Trainer’s Methodology l at interesadong maging certified TVET trainers at TESDA accredited assessors.
Ang programa ay pagsuporta sa “Build, Build, Build Program, kung saan dapat na bigyan ng prioridad sa mga qualifications sa ilalim ng construction sector.