Puspusan ang ginagawang pagtugis ng Philippine National Police (PNP) laban kina dating Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag at dating deputy officer nito na si Ricardo Zulueta.
Sina Bantag at Zulueta ang itinuturing na suspek sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid at sinasabing middleman sa kaso na si Jun Villamor.
Ayon kay PNP PIO Chief Police BGen Red Maranan, mula nang maglabas ang korte ng warrant of arrest laban sa dalawa ay wala nang tigil ang tracker teams ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa paghahanap sa mga ito.
Patuloy din aniya ang pakikipag ugnayan ng PNP sa ibang ahensya ng pamahalaan partikular na sa National Bureau of Investigation (NBI).
Samantala, nilinaw din ni Maranan na hindi naging myembro ng PNP si Bantag taliwas sa ilang mga naglabasang ulat.
Aniya, si Bantag ay opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) bago ang kanyang appointment sa BUCOR.
Ang pahayag ay ginawa ni Maranan matapos lumutang ang anggulong may mga protektor umano si Bantag mula sa PNP kaya hanggang ngayon ay hindi parin ito nahuhuli.