Nakahanda na ang “tracker team” ng Philippine National Police (PNP) sa paghanap sa mga kinasuhan na personalidad kabilang na sina suspended Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag at BuCor Directorate for Security and Operations Superintendent Ricardo Zulueta kaugnay sa pagpaslang sa beteranong mamamahayag na si Percy Lapid.
Sa isang ambush interview, sinabi ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., na inaantay na nila ang ilalabas ng korte na warrant of arrest, pero oras na lumabas ito ay hahabulin ng naturang tracker team sina Bantag, Zulueta at iba pang sangkot sa krimen.
Sa ngayon aniya ay patuloy na hinihikayat ni Azurin si Bantag at iba pa na lumantad na at handa naman aniya sila magbigay ng seguridad sa mga ito kung kinakailangan.
Dagdag pa ni Azurin, batay sa imbestigasyon ng PNP at National Bureau of Investigation (NBI) ay hanggang sa lebel ni Bantag ang nakikita nila na pinakamataas na sangkot sa pagpatay kay Lapid.
Gayunpaman, kung may mga bagong ebidensya aniya na lalabas at magtuturo sa iba pang sangkot sa krimen ay maghahain sila ng supplemental affidavit at magsasampa ng karagdagang kaso.
Una nang inutos ng Department of Justice (DOJ) sa kanilang mga tauhan na ilagay sa Precautionary Hold Departure Order (PHDO) ang mga personalidad na sinasangkot sa pagpatay kay Lapid upang matiyak na makakaharap ang mga ito sa isasagawang preliminary investigation.
Kasunod nito, sa isang ambush interview rin ay sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na maghain ng counter-affidavit si Bantag at iba pang kinasuhan at huwag sa media sumagot.