
May nakatutok nang tracker team ang Philippine National Police (PNP) upang mahanap si dating PLtCol. Rafael Dumlao III.
Si Dumlao ang suspek sa pagpatay sa Korean Businessman na si Jee Ick Joo sa loob ng Camp Crame noong 2016.
Ayon kay PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil, malayo na ang narating ng pagtatago ni Dumlao.
Ito’y dahil umano sa kanyang karanasan bilang dating pulis.
Gayunpaman, sinabi ni Marbil na hindi ito magiging hadlang para mahuli siya ng mga awtoridad.
Nauna nang ipinag-utos ni Executive Secretary at Presidential Anti Organized Crime Commission (PAOCC) Chairman Lucas Bersamin ang paglulunsad ng manhunt operation laban kay Dumlao.
Nabatid na mayroong P1-M pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni Dumlao.









