Tracker teams ng NCRPO, kasado na sa paghahanap sa mga hindi pa sumusukong preso na napalaya sa ilalim ng GCTA Law

Handa na ang tracker teams na ipapakalat ng NCRPO mula mamayang hatinggabi.

Kasabay ito ng pagtatapos ng labing-limang araw na deadline ng Pangulong Duterte para sa pagsuko ng mga presong napalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance.

Kaugnay nito, umapela si NCRPO Director PMGen. Guillermo Eleazar sa mga napalayang Persons Deprived of Liberty na sumuko na sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya.


Pagkatapos aniya ng hatinggabi mamaya ay sisimulan na nila ang pag-aresto sa PDLs.

Umapela rin si Eleazar sa mga kamag-anak ng PDLs na isuko na ang kanilang kaanak para hindi ito malagay sa panganib.

Sa ngayon, 176 pang mga PDLs na may address sa Metro Manila ang hindi pa sumusuko.

Hinimok din ni ELEAZAR ang publiko na makipag-ugnayan lamang sa Team NCRPO’s hotlines: Globe: 0915-888-8181 / Smart: 0999-901-8181 o sa pinakamalapit na police station sakaling may maitutulong sila sa mga otoridad na tutugis sa PDLs.

Facebook Comments