Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si DTI Secretary Ramon Lopez na makipag-ugnayan sa trade minister ng Indonesia para resolbahin ang issue sa kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia.
Ito ang sinabi ni Lopez na isa sa naging bahagi ng naganap na bilateral meeting ni Pangulong Duterte at ni Indonesian President Joko Widodo sa Bangkok, Thailand.
Ayon kay Lopez, inatasan siya na makipagtulungan sa Indonesian Trade Ministry na gumawa ng mga hakbang para masolusyunan ang issue ng paglimita ng pagpasok ng instant coffee imports ng Indonesia sa Pilipinas.
Paliwanag ni Lopez, ang dahilan nito, kapag pinapasok ng bansa ang mga instant coffee mula Indonesia ay negatibo ang magiging epekto nito sa mga local manufacturers ng kape sa Pilipinas.
Dahil aniya dito ay nagkaroon ng restrictive market access ang mga produkto ng Pilipinas sa Indonesia.
Kaya naman kailangan aniyang magkaroon ng mga hakbang para mapalawak pa ang two-way trade ng dalawang bansa na ngayon ay Indonesia lamang ang mas nakikinabang dahil mas maraming produkto nito ang nakapapasok sa Pilipinas habang limitado lamang ang mga produkto ng Pilipinas ang nakapapasok sa Indonesia.
Sinabi din ni Lopez na bukas naman ang Indonesia sa pagsasaayos sa issue na ito, sa harap nito ay magkakaroon din aniya ng marami pang business matching activities para mapalago pa ang kalakalan ng dalawang bansa.