Muling ibabalik ang tradisyunal na pagpapahid ng abo ng Archdiocese of Manila para sa Ash Wednesday ngayong taon.
Sa inilabas na circular ng simbahan, inatasan ng archdiocese ang mga parokya sa komunidad sa kanilang nasasakupan na bumalik sa dating nakagawian sa paglalagay ng abo sa noo ng mga mananampalataya.
Hindi naman na hinihikayat ng archdiocese ang paglalagay sa sarili ng abo.
Nabatid na mula nang magsimula ang pandemya ng COVID-19 noong 2020, pinili ng mga simbahan sa Pilipinas ang pagwiwisik ng abo sa ulo ng mga mananampalataya upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
Ngunit nang magsimulang bumaba ang mga kaso ng COVID-19 noong 2022, ang ilang simbahan ay nagsimulang bumalik sa kaugalian ng paglalagay ng abo sa noo.
Ngayong taon, sinabi ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na hindi ito maglalabas ng parehong panuntunan para sa pagdiriwang ng Ash Wednesday.
Sa halip, sinabi ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President at Caloocan Bishop Pablo Virgilio David na ipinauubaya na nila ito sa mga obispo kung may pangangailangan para sa mga tiyak na alituntunin patungkol sa liturgical celebration.