Cauayan City, Isabela- Mas pinipili ng ilang mga magulang ang tradisyunal na classroom set-up sa pagdaraos ng pasukan sa darating na Agosto 24 para sa taong 2020-2021 sa kabila ng nararanasang krisis dahil sa COVID-19.
Ayon kay Regional Director Estela Cariño ng DepED Region 2, matapos na magsagawa ng online survey ang kanilang pamunuan ay pinaboran ng maraming bilang ng mga magulang ang classroom set-up sa mga mag-aaral.
Giit ng opisyal, may ilan din aniya na mas pinipili ang online set-up ng klase subalit maaari din naman aniya na magkaroon ng kaparehong set-up para matugunan ang dagdag kaalaman ng mga mag-aaral kahit banta para sa lahat ang virus.
Hiniling naman ni Cariño sa mga magulang na makipagtulungan dahil hindi kakayanin ng mga guro ang ganitong malaking adjustment sa pagpasok ng taunang school year lalo pa’t malaki ang kaibahan nito sa orihinal na learning process.
Samantala, iginiit nito na malaki ang papel ng ilang istasyon ng radyo sa pagsasagawa ng online learning sa mga mag-aaral dahil sa pamamagitan nito ay makakapag-aral ang mga estudyante sa kabila ng pandemya.
Paliwanag pa ng opisyal, bagama’t nag-anunsyo na ang DepEd Central Office sa araw ng pasukan ay tinitiyak pa rin naman ang ambag ng mga LGUs kung papayagan ang pagsasagawa ng face-to-face set-up sa mga mag-aaral.
Tinatayang nasa mahigit 800, 000 mag-aaral ang papasok sa iba’t ibang paaralan sa rehiyon kung matutuloy ang una nang anunsyo ng ahensya sa pagpasok sa school year 2020-2021.