Posibleng sa mga susunod na araw o buwan ay muli nang makakapamasada ang mga tinaguriang “hari ng kalsada” o yung mga traditional jeepney.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, masusi itong pinag-aaralan sa ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sinabi pa ni Roque, na kung maipapakita ng mga traditional jeepney operators at drivers ang pagiging roadworthy ng kanilang mga sasakyan at kung makakatalima ang mga ito sa minimum health standards tulad ng physical distancing ay posibleng payagan na ulit silang makabiyahe.
Matatandaan sa inilabas na guidelines ng Department of Transportation (DOTr), ang phase 1 o magmula June 1 hanggang 21, 2020, papayagang magbalik operasyon ang tren, bus augmentation units, taxis, Transport Network Vehicle Service (TNVS), point-to-point buses, shuttle services at bicycles pero limitado lamang ang kapasidad habang pagsapit ng June 22-30, 2020 o phase 2 ay maaari nang makapamasadang muli ang mga Public Utility Buses (PUB), modern jeepneys at UV express vans.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DOTr Road Sector Consultant Alberto Suansing na inaayos na lamang ng ahensya ang ruta at bilang ng mga jeepney na papayagang muling makapamasada.
Una nang umapela ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines sa pamahalaan na payagan na silang makabiyaheng muli dahil karamihan o siyamnapung porsyento ng kanilang mga tsuper ay nagkakanda matay na sa gutom dahil sa bawal silang bumiyahe magmula pa noong ipinatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).