Hinimok ni Vice President Leni Robredo ang pamahalaan na huwag i-phase out ang mga tradisyunal na jeepney sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, iginiit ni Robredo na mas lalong maghihirap ang mga tsuper sa panahong ito.
Binanggit din ni Robredo ang ulat ng IBON Foundation na aabot sa ₱78,000 ang nawalang kita ng mga jeepney driver bunsod ng pagpapahinto ng pampublikong transportasyon.
Para sa Bise Presidente, tila ginagamit ng pamahalaan ang pandemya bilang “oportunidad” para ipatupad ang Jeepney Modernization Program.
Paglilinaw ni Robredo na hindi siya kontra sa programa pero batid niya ang malaking perang kailangang bayaran ng mga tsuper para makapag-comply.
Umaasa si Robredo na maging compassionate ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTr) hinggil dito.
Una nang sinabi ng Malacañang na ang mga “roadworthy” na traditional jeepneys ay papayagang bumiyahe kung hindi kakayanin ng modern units ang dami ng mga pasahero.