Manila, Philippines – Iminungkahi ni House Committee on Public Information Chairperson Bernadette Herrera-Dy ang pagbubuo ng ‘traffic court’ o kaya ay adjudication board na siyang hahawak sa kaso o anumang usapin hinggil sa batas-trapiko.
Kasabay nito, iginiit ng party-list lawmaker na napapanahon na rin ang pagkakaroon ng bagong Land Transportation and Traffic Code ng bansa na magiging epektibo at angkop sa kasalukuyang panahon.
Aniya, dahil na rin sa dami ng insidente kung saan sangkot ang usapin sa batas trapiko, kinakailangan na magkaroon ng hiwalay na korte na tututok para dinggin at pagpasyahan ang mga kaso ng paglabag dito.
Sa House Resolution 1486 na inihain ng kongresista, isinusulong na magkaroon ng koordinasyon ang Department of Transportation (DOTr), Department of Justice (DOJ), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Public Works and Highways (DPWH), at iba pang kaukulang ahensya para bumalangkas ng bagong Land Transportation and Traffic Code.
Kasama sa mga gustong patutukan sa bagong batas trapiko na bubuuin ay ang probisyon o panuntunan hinggil sa pagkakaloob ng lisensiya sa pagmamaneho, disenyo at paggawa ng mga land vehicle, disenyo at paggawa ng mga kalsada at tulay, at ang paraan nang pagpapatupad, pag-iimbestiga, pagdinig at pagpapataw ng kaparusahan sa mga lalabag.