TRAFFIC REROUTING AT TRUCK BAN, IPATUTUPAD SA MANAOAG NGAYONG SEMANA SANTA

Magpapatupad ng pansamantalang traffic rerouting at truck ban ang lokal na pamahalaan ng Manaoag, Pangasinan kaugnay ng inaasahang pagdagsa ng mga deboto at turista ngayong Semana Santa.

Ito ay nakasaad sa Executive Order No. 26, Series of 2026 na nilagdaan ni Jeremy Agerico B. Rosario, kung saan ipatutupad ang road closures at truck ban mula April 1 hanggang April 5, 2026.

Layunin ng naturang hakbang na matiyak ang kaligtasan at maayos na daloy ng trapiko para sa libu-libong pilgrims na bibisita sa Minor Basilica of Our Lady of the Rosary of Manaoag.

Saklaw ng kautusan ang pansamantalang pagsasara ng ilang bahagi ng kalsada sa Brgy. Poblacion, habang ipagbabawal naman ang pagdaan ng mga truck sa nasabing mga araw.

Inatasan ang Committee on Peace and Order, Traffic Management Office, at Manaoag Police Station na tiyakin ang maayos na implementasyon ng rerouting scheme at magtalaga ng alternatibong ruta upang maiwasan ang matinding abala sa mga motorista.

Pinaalalahanan naman ang publiko na makipagtulungan at sundin ang mga ipatutupad na traffic advisory para sa mas ligtas at maayos na paggunita ng Semana Santa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments