Traffic rerouting para sa araw ng inagurasyon ni President-elect Marcos Jr., patuloy na tinatalakay ng PNP, MMDA at Manila City LGU

Nagpapatuloy ang ugnayan ng Philippine National Police (PNP), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Manila City Local Government Unit (LGU) para sa ipapatupad na traffic rerouting sa bisinidad ng National Museum bilang bahagi ng security measures para sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon kay PNP Director for Operations Major General Valeriano Del Leon, alas-12:00 ng hating gabi sa June 26 ay sisimulan nang ipatupad ang traffic rerouting.

Aniya, alam nang lahat na napaka-abala ng mga kalsada sa Manila partikular sa area ng National Museum kaya hanggang sa ngayon ay mahigpit ang pakikipag ugnayan ng PNP sa MMDA at Manila LGU para maayos itong maipatupad at hindi maabala ang mga motorista at commuters.


Nananawagan din ng pang-unawa ang PNP kung maabala man sa June 30 para sa gagawing inagurasyon, dahil ito anila ay makasaysayang okasyon ng bansa.

Paliwanag ni De Leon may mga alternatibong daan naman na inilaan sa mga motorista na maabala ng pagsasara ng ilang kalsada.

Samantala, ipatutupad naman ang gun ban sa Metro Manila sa simula sa June 27 hanggang July 2.

Ito ay paraan pa rin para matiyak na matatapos na payapa ang inagurasyon ng susunod na Pangulo ng bansa.

Facebook Comments