Kinumpirma ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na tumaas ng 10,000 hanggang 15,000 ang volume ng trapiko sa Metro Manila kapag rush hour.
Ayon kay Atty. Victor Nuñez, Director for traffic enforcement group ng MMDA, partikular na dumami ang volume ng mga sasakyan sa kahabaan ng EDSA at C-5.
Aniya, napansin nila na kahit weekend ay mabigat na ang daloy ng trapiko sa National Capital Region (NCR).
Bunga na rin aniya ito ng pagdagsa ng mga mamimili sa shopping malls.
Sinabi pa ni Nuñez na sa umaga ay medyo maluwag pa ang daloy ng trapiko pero pagsapit aniya ng hapon ay talagang matindi na ang traffic.
Tiniyak naman ng MMDA na patuloy ang kanilang clearing operations lalo na sa mabuhay lanes kung saan maraming mga sasakyan ang dumadaan.