Nagsasagawa na ng fact-finding investigation ang Board of Discipline.
ng Bureau of Immigration (BI) sa sinasabing trafficking ng mga kabataang babae sa Syria.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ang fact finding reports ng BI Board ay isusumite sa Department of Justice (DOJ) upang isalang sa review.
Paliwanag ng kalihim, sa sandaling mapatunayan na mayroong dapat managot ay sisimulan na rin ng kagawaran ang pagsasagawa ng administrative proceedings.
Dagdag pa ni Guevarra, tuloy-tuloy ang imbestigasyon ng BI Board of Discipline, at mayroon na rin aniyang naisumiteng report sa DOJ para sa kaukulang ebalwasyon.
Tumanggi muna si Guevarra na isiwalat ang nilalaman ng initial report ngunit tiniyak na isasapubliko ito sa sandaling may nakitang sapat na batayan para sa pagsasagawa ng administrative investigation.
Ang pahayag ni Guevarra ay tugon sa report na may mga kabataang babae mula sa Mindanao na nagkakaedad ng 14 anyos ang pinadala sa Syria gamit ang mga pinalsipikang pasaporte upang palabasin na sila ay nasa tamang edad.
Ayon sa report, mga illegal recruiter at mga tiwaling opisyal ng Bureau of Immigration ang nasa likod ng naturang anomalya.