Nagsagawa ng kilos protesta ang iba’t ibang grupo sa Manila Film Center, Abril 29, 2022 upang sariwain ang trahedya na naranasan ng bansa sa ilalim ng pamumuno ng dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr., ama ng tumatakbong presidente ng Pilipinas na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ginanap ang protesta sa harap ng Manila Film Center kung saan 169 na manggagawa ang nalibing ng buhay nang gumuho ang isang andamyo na tinutuntungan nila habang ginagawa ang gusali noong Nobyembre 17, 1981.
Ang abandonadong gusali ay ilan lamang sa mga proyekto noong panahon ng diktadurang Marcos na pinangunahan ni dating First Lady Imelda Marcos para sa pagsasakatuparan ng magarbong Manila International Film Festival.
Bitbit ang ilang kabaong na nagsisimbolo ng trahedya sa ekonomiya, demokrasya, at karapatang pantao, nag-martsa ang mga miyembro ng President Isko Movement-Isulong ang Kapakanan ng Pilipino (PRIMO ISKO), at mga miyembro ng iba’t ibang grupo sa ilalim ng Alliance of Genuine Labor Organization – National Confederation of Labor (AGLO – NCL), Labor Power Coalition (LPC) at Bus Transport Workers Alliance (BTWA) saka nagsagawa ng die-in protest sa harapan ng naturang guasali.
Ayon kay PRIMO ISKO National Chairman Nato Agbayani, hindi dapat makalimot ang kasalukuyang henerasyon sa mga trahedya na naganap sa bansa dahil sa pagkaganid sa kapangyarihan at kayamanan ng pamilya Marcos noong panahon ng Martial Law.
Nagdulot umano ng trahedya ang diktadurang Marcos sa ekonomiya at iginiit na ang sinabing golden years ay isa lamang alamat na ipinakalat ng pamilya ni Bongbong Marcos.
Dagdag pa niya, walang katotohanan na ang bansa ay umunlad noong panahon ng diktador at dapat pigilan ang tangka ng mga ito na makabalik sa kapangyarihan.
Ayon naman kay Rico Lucero ng AGLO – NCL, ang sinapit ng 169 na manggagawa na namatay sa konstruksyon ng Manila Film Center ay isa lamang sa mga karumal-dumal na kasalanan ng pamilya Marcos.
Dagdag naman ni Ed Laurencio ng LPC, ang multo ng rehimeng Marcos ay patuloy na bumabalik katulad ng hindi pagbabayad ng pamilya Marcos ng P203 bilyon estate tax.
Sinabi naman ni Jess Olivar ng BTWA, ang ekonomiya ay muling magiging bangkarote kung mahahalal at hahayaan ang isa pang Marcos na mamuno sa bansa.