TRAIN | Bansa, Posibleng mauwi sa financial crisis dahil sa patuloy na pagtaas ng bilihin

Manila, Philippines – Nagbabala si Kabataan PL Rep. Sarah Elago na mauwi sa financial crisis ang bansa dahil sa TRAIN.

Ngayon pa lamang ay inaalmahan na ng mga kongresista sa MAKABAYAN ang panibagong isinusulong na TRAIN 2 ng gobyerno na layong bawasan ang corporate income tax ng mga malalaking kumpanya at aalisin ang tax incentives ng mga dambuhalang korporasyon.

Sinabi ni Elago na dahil sa TRAIN ay wala nang kontrol ang pagtaas sa mga pangunahing bilihin at serbisyo na maaaring mauwi sa krisis.


Dahil dito, talo pa rin ang mahihirap na mga Pilipino dahil sa tuluy-tuloy na pagtaas ng mga singil sa bilihin at serbisyo gayong walang malinaw na paglalatag sa pamamahagi ng benepisyo na nakapaloob sa TRAIN.

Aniya, sa huli ay ang mga dambuhalang korporasyon pa rin ang may pakinabang sa TRAIN habang ang mga ordinaryong mamamayan ay pilit na nagkukumahog saan kukunin ang itutustos sa mga nagtataasang bilihin at serbisyo.

Giit naman dito ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, “pro-rich” ang TRAIN 2 dahil matagal na nakinabang sa tax incentives ang mga malalaking korporasyon at ngayon ay balak pa na pababain ang corporate income tax ng mga ito na isang malaking panlilinlang sa mga Pilipino.

Facebook Comments