Manila, Philippines – Sa kabila ng ipinatupad na bagong buwis, tiniyak ng National Food Authority na magpapatuloy ito sa pagbebenta ng murang bigas
Manila, Philippines – Ayon kay NFA Administrator Jason Aquino, mananatili ang presyo ng NFA rice sa 27 pesos kada kilo para sa regular milled variety at 32 pesos kada kilo para sa well-milled variety.
Naglabas ng katiyakan ang NFA kasunod ng espekulasyon na tataas ang presyo ng bigas dahil sa pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo dahil sa epekto ng bagong pagbubuwis o tax reform law.
Kasabay nito, inatasan din ni Aquino ang Finance at Operations Department ng NFA na magsagawa ng cost analysis sa anumang epekto ng bagong batas ng pagbubuwis sa presyo ng bigas.
Kaugnay nito, binalaan ni Aquino ang mga rice traders na huwag mag-samantala sa pagtaas ng presyo dahil hindi mangingimi ang ahensiya na magpataw ng kaparusahan sa mga lalabag dito.
Hiningi na rin ng NFA ang tulong ng publiko na magsumbong sa anumang iligal na aktibidad ng mga negosyante lalo na sa over pricing ng presyo ng bigas.