Manila, Philippines – Malaki ang tiwala ni Deputy Speaker Fredenil Castro na maibabasura ang petisyong inihain sa Korte Suprema na kumukwestyon sa legalidad ng pagkakapasa sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN.
Giit ni Castro, mahina ang argumentong inihain ng MAKABAYAN laban sa TRAIN na kumukwestyon sa quorum ng ipasa ito sa Kamara.
Paliwanag ni Castro, may `presumption of regularity` sa pag-apruba sa TRAIN dahil naideklara namang may quorum bago pa ipasa ang batas.
Dahil dito, hinamon ni Castro ang grupong MAKABAYAN sa Kamara na magprisinta ng matibay na ebidensya na magpapatunay na wala talagang quorum ng maipasa ang TRAIN.
Binigyan pa nito ng payo ang grupo na ang mainam na gamiting ebidensya ay ang minutes of proceedings ng Mababang Kapulungan at doon lamang makikita kung totoong meron o walang quorum nang maipasa ang TRAIN.
Isa rin sa mga katwiran ng mga mambabatas mula sa MAKABAYAN ang anti-poor na batas dahil sa mga ipapataw na excise tax sa mga produktong petrolyo na makakaapekto sa mga pangunahing bilihin at serbisyo at lalong magpapahirap sa mga maralitang Pilipino.