Manila, Philippines – Nagpasalamat ang Palasyo ng Malacañang sa Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pagratipika sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN na tax reform program ng Administrasyong Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, mahalaga na maisabatas ang nasabing panukala dahil ito ang popondo sa Build Build Build Program ng gobyerno na siyang isa sa mga pangunahing solusyon sa kahirapan sa bansa.
Tiniyak ni Roque na mararamdaman ng mamamayan lalo na ng mga mahihirap ang magandang epekto ng tax reform lalo na mula sa mga Social Protection Programs sa kalusugan edukasyon at pabahay.
Pinasalamatan din naman ng Malacañang ang mga mambabatas sa pagpasa sa 2018 national budget na nagkakahalaga ng 3.767 trillion pesos.
Tiniyak din naman ng Malacañang na pangangalagaan ng pamahalaan ang pera ng taumbayan at gagamitin lamang ito sa tamang paraan.