Training ng mga guro na magsisilbing poll workers sa BSKE, sisimulan na ng COMELEC ngayong Setyembre

Sisimulan ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagsasanay sa mga magsisilbing miyembro ng Electoral Boards (EBs) sa loob ng pitong linggo bago ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa October 30.

Ayon kay COMELEC Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, sisimulan ang training ng mga guro na magsisilbing poll workers sa araw ng halalan ngayong buwan ng Setyembre.

Nakasaad sa kanilang mga training modules, ang proseso ng pagboto sa official BSKE ballots.


Nilinaw ni Laudiangco na manual ang gagawing botohan sa BSKE, kung saan isusulat ng mga botante ang pangalan ng kandidatong kanilang iboboto.

Kailangang basahin ng mga guro ang mga boto na ito, kahit na mali ang spelling hangga’t malapit sa mga pangalan ng kandidato.

Ani Laudiangco, mas magiging mahirap ang pagsasanay dahil dapat talagang matutunan ng mga guro ang mga patakaran sa sa manual voting.

Sa datos ng Comelec, nasa 823,539 na ang magsisilbing miyembro ng Electoral Boards sa darating na halalan.

Facebook Comments