Trak na may Kargang Mais, Bumaliktad; Drayber Tumakas!

Cauayan City, Isabela- Kasalukuyan ngayon ang pagmamando ng trapiko ng kapulisan habang itinatabi at inaayos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang bumaliktad na trailer trak kaninang umaga na may kargang sako-sakong mais sa bahagi ng national highway sa Brgy. Balete, Diadi, Nueva Vizcaya.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan sa PNP Diadi, tumakas ang drayber at pahinante nito matapos bumaliktad ang kanilang trak na may plakang RJG 862 na masuwerte namang walang nasugatan at kasalubong nang mangyari ang aksidente.

Posibleng overload sa kargang mais ang nakikitang dahilan kung kaya’t bumaliktad ang trak sa paakyat at pakurbang bahagi ng nasabing lansangan.


Ang tone-toneladang mais ay nakatakda sanang dadalhin sa kalakhang maynila.

Sa ngayon ay isang linya muna ang pwedeng daanan ng mga motorista sa naturang lugar papasok at palabas sa rehiyon dos.

Kinukumpirma na ng pulisya sa Land Transportation Office (LTO) kung sino ang may-ari ng nasabing sasakyan.

Facebook Comments