Transition sa paghiwalay ng Sulu mula sa BARMM, tatalakayin ng DBM kay PBBM

Dapat maipagpatuloy ang mga programa, proyekto at aktibidad sa Sulu na pinondohan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ito ang iginiit ng Department of Budget and Management (DBM) matapos ang deklarasyon ng Korte Suprema na naghihiwalay sa lalawigan mula sa BARMM.

Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, magkakaroon ng maayos na transition at maipagpapatuloy ang paghahatid ng mga serbisyo ng pamahalaan.


Sa ngayon ay hinihintay rin muna ng DBM kung maghahain ng motion for reconsideration kahit na nakalagay na immediately executory ang desisyon.

Samantala, nilinaw ni Pangandaman na mananatili ang status quo sa lahat ng mga pasahod at benepisyo sa mga kawani ng gobyerno sa lalawigan.

Huhugutin na lamang aniya ang pondo sa local government funds habang tuloy rin ang pasahod sa mga nagtatrabaho sa Provincial Field Offices sa ilalim ng BARMM government at kukunin ang pondo sa annual Block Grant.

Nakatakda namang talakayin ng DBM ang guidelines kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., at sa National Government–Bangsamoro Government Intergovernmental Relations Body para sa gagawing transition.

Facebook Comments