Nilinaw ni Dr. John Wong, miyembro ng Inter-Agency Task Force-Sub technical Working Group on Data Analytics na nag-flatten na ang curve o bumababa na ang kaso ng COVID-19 sa bansa matapos na ihayag ni Department of Health Secretary Francisco Duque III na nasa second wave na ang Pilipinas sa Coronavirus Disease (COVID-19).
Paliwanag ni Wong, mula sa peak na 538 COVID-19 cases na naitatala sa bansa, bumaba na ito ngayon sa 220 cases kada araw.
Maliban dito, bumaba rin ang bilang ng mga nasasawi sa COVID-19, mula sa 50 deaths per day ay nakakapagtala na lamang ng 15 deaths sa kada araw.
Tumaas din aniya ang health system capacity sa bansa kung saan umangat sa 4.4 times ang testing capacity.
Sinabi pa ni Wong na bumagal din ang transmission ng virus, mula sa 2.5 days ay nasa 5.5 days na lamang ito.
Mas marami na rin buhay ang naisasalba dahil na rin sa pagbagal ng mortality doubling time, mula sa 4 days ay 7 days na lamang ito.
Dagdag pa ni Wong, bagama’t may ilang mga kumpirmadong reports ng COVID-19 asymptomatic cases ay wala pa namang naidodokumento na naipapasa ng mga asymptomatic ang virus.