Transmission service sa Caraga Region, bahagya nang naibalik ayon sa NGCP

Bahagya nang naibalik ang suplay ng kuryente sa Caraga Region matapos tumama ang magnitude 6.7 na lindol kaninang alas 3:49 ng madaling araw sa Cagwait, Surigao del Sur.

Sa advisory ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), naapektuhan ng malakas na aftershock ang San Francisco-Tandag 69kV transmission line na nagsisilbi sa ilang bahagi ng Surigao del Sur.

Naramdaman ang pagyanig sa layong 63 kilometro ng Hilagang Silangan ng Cagwait kaninang madaling araw.


Ayon sa NGCP, alas 5:40 ng umaga ng maibalik ang suplay ng kuryente sa Barobo at Lianga Substations ng Surigao Del Sur Electric Cooperative 2 (SURSECO 2).

Nagpapatuloy pa ang line patrol para sa Lianga-Tandag segment.

Gayunman, nananatiling buo ang Mindanao grid dahil walang naiulat na trippings sa transmission line backbone kung saan naramdaman ang lindol.

Facebook Comments