Mawawalang saysay ang transparency at public accountability ng pagdinig sa Senado kung papayagan ang hiling ng kampo ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na mag-executive session.
Ayon kay Senate President pro-tempore, Jinggoy Estrada, anong katiyakan na magiging bukas, magsasabi ng totoo, at makikipagtulungan si Alice Guo sa imbestigasyon ng mataas na kapulungan gayong nagsinungaling ito sa mga senador sa mga naunang pagdinig.
Giit ni Estrada, bilang si Guo ay dating public servant ay obligasyon nito sa taumbayan na magsabi ng katotohanan tungkol sa kanyang pagtakas at kaugnayan sa illegal POGO operation.
Aniya, kung papayagan ang executive session, bukod sa pagmamaliit sa prinsipyo ng transparency at public accountability ng mga imbestigasyon ng Senado ay mapagdududahan pa ng publiko na mayroong inililihim at ang pinakamatindi ay posibleng mawalan na ng tiwala ang mga mamamayan sa proseso.
Dagdag pa ni Estrada, ang tanging makapagpapakumbinsi sa kanya na magsagawa ng executive session ay kung makapagbigay si Alice Guo ng matibay na ebidensya na talagang may banta sa kanyang buhay.