Transparency sa COVID-19 vaccine roll out, hiniling ng isang kongresista sa Kamara

Iginigiit ngayon ni Deputy Minority Leader at Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate ang pagkakaroon ng transparency para sa COVID-19 vaccine roll out.

Sinabi ni Zarate na kailangan ang transparency at competence sa COVID-19 vaccination program ng gobyerno dahil ito ang susi para magtiwala ang mga Pilipino sa bakuna.

Ayon sa kongresista, kulang pa ng Phase 3 results at peer reviews ang Sinovac vaccine mula sa China kaya maraming Pilipino at maging mga health worker ang hindi nagtitiwala sa nasabing brand.


Nakadagdag pa aniya dito ang naging pahayag ng Food and Drug Administration (FDA) na hindi inirerekomenda ang Sinovac para sa mga health workers at senior citizens.

Dahil din sa naantala ang pagdating ng AstraZeneca vaccines ay tiyak aniya na magdududa ang taumbayan dahil walang mapagpipilian kundi ang magpaturok ng COVID-19 vaccine ng Sinovac.

Bunsod nito ay hinihikayat ng mambabatas ang mga manufacturers at ang gobyerno na maging transparent sa mga bakuna anuman ang brand upang pagkatiwalaan ng mamamayan ang vaccination program ng pamahalaan.

Facebook Comments