Naniniwala ang Alliance of Concerned Transport Operators (ACTO) na binobola at pinaiikot lamang ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga Jeepney Driver.
Ito ay sa gitna ng anunsyo ng LTFRB na makakabalik operasyon na ang mga tradisyunal na jeep ngayong linggo.
Ayon kay ACTO National President Efren De Luna, hindi sila kumbinsido sa pahayag ni LTFRB Chairperson Martin Delgra III.
Nakikita nila na unti-unting ipine-phase out ng pamahalaan ang mga lumang jeep.
Dagdag pa ni De Luna, tila “estilong Hitler” ang ginagawa ng LTFRB at ng Department of Transportation (DOTr) sa mga jeepney driver.
Nililinlang nila ang mga tsuper para bumili ng modern unit na nagkakahalaga ng dalawang milyong piso.
Binigyang diin ni De Luna na may mga modernong unit na mas mababa pa ang presyo at gawang Pinoy rin.
Nakikiusap si De Luna sa gobyerno na alalayan muna ang mga jeepney driver sa panahon ng pandemya at huwag munang ipilit ang modernization program.
Nagbanta ang ACTO na magsasagawa ng malawakang protesta, kabilang ang pagbabalagbag sa kalsada at pagsusunog ng mga jeep kung hindi tutugunan ng gobyerno ang hinaing ng mga tsuper.