Transport group, nananawagan sa LTO at LTFRB vs motorcycle taxi

Nagsama-sama ang mga transport coalition at mga tricycle operators para manawagan sa Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na itigil muna ang pagtanggap ng aplikasyon ng mga bagong kompanya para sa motorcycle taxi.

Sa isang news conference, hiniling ng National Public Transport Coalition, National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Association of the Philippines at iba pang asosasyon na itigil muna ang pag-tanggap sa bagong aplikante.

Paliwanag ni Mr. Ariel Lim, tagapangulo ng NACTODAP, dapat munang tapusin ang pilot study para sa mga motorcycle study na nasa Kongreso na.


Umaapela sila kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at kay Speaker Martin Romualdez na agarang itigil ang planong pagpapalawak ng mga motorcycle taxi.

Nananawagan din sila na suriin at pag-usapan muna ang lahat ng datos mula sa pilot study kasama na ang mga apektadong grupo sa sektor ng transportasyon at i-regulate ang pagpaparami ng mga ito.

Apektado na kasi ang kabuhayan ng mga tricycle operators dahil sa pagdami ng mga habal-habal at mga kumpanya na ginagamit ang mga motorsiklo para panghanapbuhay.

Sa ngayon, may apat na kumpanya ang binigyan ng permit para sumali sa pilot study ng motorcycle taxi na kinabibilangan ng Angkas, Joyride, Move It, at Grab.

Facebook Comments