Muling umapela sa gobyerno ang mga grupo ng operators at drivers na isama maging ang Transport Network Vehicle Services (TNVS), tricycle drivers at taxis sa mga mabibigyan ng fuel subsidy mula sa gobyerno.
Kasabay ito ng pagsisimula kahapon ng pamamahagi ng P7,200 fuel subsidy sa mga jeepney drivers na naapektuhan ng pandemya sa ilalim ng Pantawid Pasada Program (PPP).
Ayon kay Mody Floranda, National President ng PISTON, muli na nila itong ini-akyat sa pagdinig ng kongreso kung saan pinagagalaw ang mga batas na may kinalaman sa pagtataas ng presyo ng langis.
Kabilang dito ang TRAIN Law kung saan itinaas ang excise tax sa mga produktong petrolyo, bukod pa sa sinisingil na Value Added Tax (VAT).
Samantala, maliban sa grupong PISTON ay nanawagan naman sa mga jeepney operator si Obet Martin, President ng Pasang Masda na gamitin sa tama ang Pasada card na naglalaman ng subsidya.
Giit nito, hindi dapat gastusin sa ibang paraan ang nasabing card at ipahawak na lamang sa mga tsuper dahil sila ang nagbabayad ng krudo.
Tinatayang nasa 136,000 jeepney franchise holders ang mabebenipisyuhan ng fuel subsidy sa buong bansa mula sa P1 billion alokasyon ng Development Budget Coordination Committee (DBCC), Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).