Nanawagan ang isang transport group kay Pangulong Rodrigo Duterte na maglabas ng Executive Order (EO) para suspendihin ang implementasyon ng excise tax dalawang linggo bago matapos ang kaniyang termino.
Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) National President Ka Mody Floranda na kahit tumaas ng piso ang pamasahe ay nilalamon naman ito ng patuloy na pagsipa ng presyo sa produktong petrolyo.
Giit ni Ka Mody, hindi lang ang mga tsuper at operator ang makikinabang dito kundi ang buong mamamayan.
Sa kabila nito, hiniling ni Ka Mody sa mga papasok na mga economic manager ng administrasyong Marcos na masusing pag-aralan hinggil sa kanilang panawagan.
Punto kasi ni Ka Mody na kapag inalis ang excise tax sa produktong petrolyo ay malaking tulong ito sa 98% ng ating populasyon at bababa na ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa bansa.
Matatandaang, ilang beses na tinabla ng pamahalaan ang panawagan ng ilang transport group na suspendihin ang excise tax sa bansa.