Umapela na sa Senado at Kamara ang transport groups para imbestigahan ang information technology (IT) provider ng Land Transportation Office (LTO) kaugnay ng hindi pa nareresolbang kontrobersiya sa driver’s license at vehicle registration.
Sinabi ni Ariel Lim, pangulo ng National Public Transport Coalition (NPTC), na matapos ang 14 extensions at mahigit na dalawang taong delay, hindi pa rin nabubuo ng German contractor Dermalog ang integrated system para sa LTO na siyang nakakaapekto sa pagproseso ng driver’s license at renewal ng rehistro ng mga sasakyan.
Nakabayad na rin aniya ang LTO ng 80% ng ₱3.4 bilyon para sa nasabing kontrata.
Ayon pa kay Lim, dahil sa kabiguan ng Dermalog na sumunod sa kontrata, apektado ang pagpoproseso ng driver’s licenses at motor vehicle registrations.
Nagiging dahilan din aniya ito ng paglaganap ng korupsiyon sa ahensiya, gayundin ng lalo pang pagdami ng mga colorum na public transport at maging pagtaas ng kaso ng carnapping.
Iginiit din ni Lim na dapat magpaliwanag ang Dermalog kung bakit hindi ito nakasunod sa kontrata na aayusin ang IT system sa loob ng anim na buwan, mula sa delivery date noong December 2018.
Nabatid na balak na rin ni LTO Chief Jose Art “Jay Art” Tugade na patawan ng penalty ang Dermalog o ‘di kaya ay tuluyan nang ibasura ang kontrata.