Manila, Philippines – Itinakda ng Senate Committee on Public Services sa August 13, Martes ang pagdinig ukol sa tuminding problema sa trapiko sa kahabaan ng EDSA dahil sa provincial bus ban kasabay ng istriktong implementasyon ng yellow bus lane.
Malaking tanong para kay Committee Chairman Senator Grace Poe, kung bakit matinding kalbaryo ang idinudulot sa sitwasyon ng trapiko ng mga polisiyang ipinapatupad sa kahabaan ng EDSA.
Giit ni Poe, hindi dapat palampasin ang matinding kalbaryo na dinaranas ng mga motorista na dumadaan sa EDSA kaya dapat matukoy kung sino ang managot.
Ipinunto ni Poe na dapat pinag-aaralang mabuti at binigyang konsiderasyon ang panig ng publiko at ang magiging sitwasyon ng mga bumabiyaheng behikulo sa bawat ipapatupad na traffic scheme at mga polisiya.
Ikinatwiran ni Poe na hindi ito dapat ginagawa na parang science project lamang na puro eksperimento kung saan taumbayan ang nagdurusa.