Manila, Philippines – Nakatakdang magsagawa ng malawakang transport strike ang iba’t-ibang transport groups para iprotesta ang sunud-sunod na oil price hike.
Ayon kay Piston General Manager Steve Ranjo, magsasanib-puwersa ang iba’t-ibang transport groups para iparating sa pamahalaan ang hinaing ng mga tsuper ng jeep, partikular na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Matatandaang nito lamang Martes tumaas ng higit P1 ang kada litro ng gasolina at diesel.
Mula Pebrero 12 hanggang 26, umabot na sa P3.05 ang itinaas-presyo ng kada litro ng gasolina, P2.70 sa diesel at P2.50 sa kerosene.
Kasabay nito, tumanggi naman si Ranjo na banggitin ang itinakdang petsa ng malawakang transport strike.
Pero uunahin aniya nilang magsagawa ng kilos-protesta sa harap ng tatlong pinakamalalaking kompanya ng langis sa bansa.