Manila, Philippines – Tinatayang aabutin ng labindalawa hanggang labinlimang minuto ang tagal ng pag-aantay ng mananakay ng MRT line 3 ngayong araw, dahil nasa pitong tren lamang nito ang napapakinabangan ng mga commuters.
Dismayado naman ang mga mananakay kaninang rush hour dahil mula nang gobyerno na ang maupo bilang maintenance provider ng MRT, inaasahan sana na makakapag operate na ang 12 hanggang 15 tren, ngunit kabaliktaran ang nangyayari.
Mahahabang pila rin ang sumalubong sa mga mananakay ng MRT sa southbound ng North Avenue at Magallanes Station kaninang rush hour.
Matatandaang ngayong Linggo, sinabi ni Transportation Undersecretary for Railways Timothy John Batan na sa buwan ng Abril posibleng maibalik na sa 15 tren ang aandar, kapag tapos na ang annual maintenance shutdown ng MRT sa darating na Holy Week.