Transportation committee, nairita sa hindi pagdalo ni DOTr Sec. Tugade sa PUV modernization hearing

Manila, Philippines – Dismayado si House Committee on Transportation Chairman Cesar Sarmiento sa hindi pagharap ni DOTr Sec. Arthur Tugade.

Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra, may naunang appointment si Tugade kasama ang ilang diplomat at ambassadors kung saan pag-uusapan din ang mga isyu ng transportasyon.

Batid naman aniya ni Tugade ang kahalagahan ng pagdinig kaya naman pinadala nito ang ibang mga heads ng DOTr.


Sa kabila nito, sinabi ni Sarmiento na sila ngang mga mambabatas na kahit nakabakasyon ay pinilit na magsagawa ng pagdinig para maging malinaw sa lahat kung ano ba ang ipapatupad na jeepney modernization.

Marami din aniya sa mga mambabatas na present sa pagdinig ay may mga byahe sa abroad o sa probinsya pero inuna ang kasalukuyang problema sa transportasyon.

Iginiit ni Sarmiento na suportado ng kamara ang modernization pero gusto nilang makatiyak kung ito ang tamang solusyon at kung ikinunsidera sa programa ang interes ng mga drivers at operators.

Humarap sa pagdinig si LTFRB Chairperson Atty. Martin Delgra, LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada, MMDA Chairman Danilo Lim, PISTON President George San Mateo, Efren De Luna ng ACTO, Melencio Vargas ng ALTODAP, Joseph Abeleda ng L-TOP, Zeny Maranan ng FEJODAP at iba pang stakeholders.

Facebook Comments