TRAPIK SA MGA RESORT SA SAN FABIAN, PINAGHAHANDAAN NGAYONG SEMANA SANTA

Pinaghahandaan ngayon ng lokal na pamahalaan ng San Fabian ang inaasahang matinding trapiko sa darating na Semana Santa, kasabay ng inaasahang pagdagsa ng mga turista at mga uuwing residente.

Ito ang tinutukan sa isinagawang Oplan Semana Santa 2026 at SUMVAC 2026 meeting ng lokal na pamahalaan nitong Huwebes.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), paulit-ulit nang nagiging problema ang matinding trapiko sa mga resort area na nagdudulot ng limitadong parking space at pagpaparada na lampas sa shoreline zones ng beach.

Bukod sa trapiko, problema rin ang basura lalo na tuwing peak season.

Noong nakaraang Semana Santa, naitala ang makitid na trapiko dahil sa hindi maayos na sistema sa pagpasok at paglabas ng mga sasakyan sa beach area.

Dahil dito, iginiit ng MDRRMO ang mas mahigpit na koordinasyon ng iba’t ibang ahensya upang hindi na ito maulit ngayong taon at magampanan ang responsibilidad sa pagpapanatili ng kaayusan sa mga pasyalan at kaligtasan ng mga bisita. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments