Trapiko sa EDSA, mas organisado ayon kay Sec. Tugade

Iginiit ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na bahagyang bumilis ang travel time sa EDSA kahit nananatiling hamon ang pagresolba sa trapiko nito.

Sa kanyang talumpati sa Management Association of the Philippines (MAP) noong Martes, binigyang diin ng kalihim na hindi pa tuluyang nareresolba ang problema ng trapiko sa EDSA.

Pero bahagya aniyang gumaan ang biyahe dahil sa organized system na nakalatag sa EDSA.


Kabilang sa tinutukoy ni Sec. Tugade ay ang maayos na loading at unloading ng mga pasahero, partikular ang pagpapatupad ng EDSA Busway.

“Wala akong sinabi na nawala ang traffic sa EDSA dahil sa amin dahil maraming contributing factors yan. May traffic pa rin, pero ang sinasabi natin, kumpara dati na labu-labo ang sasakyan sa EDSA, kung saan-saan bumabalandra ang mga bus para mag-load at unload ng pasahero, at ang tao ay umaabot na sa gitna ng kalsada para makasakay ng bus, mas organisado na po ngayon,” ani Tugade.

Umayos din ang daloy ng sasakyan dahil sa pagtutulungan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Nangako si Tugade na paiigtingin ang efforts ng kagawaran sa pagpapahusay ng sistema ng transportasyon sa bansa sa nalalabing termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Facebook Comments