Manila, Philippines – Magpapatupad ng 48 oras na gun ban sa lungsod ng Maynila sa Enero 8 hanggang 10 bilang bahagi ng seguridad na ipatutupad ng Manila Police District (MPD) sa Traslacion ng poong Itim na Nazareno sa Enero 9.
Ayon kay MPD Director Chief Superintendent Joel Coronel, sa isang press briefing sa simbahan ng Quiapo, magiging epektibo sa hatinggabi ng Enero 8 hanggang Enero 10 ng hatinggabi ang gun ban.
Bukod dito nag-isyu rin ng ’no fly zone’ sa mga drone at aircraft sa ruta ng Traslacion mula Quirino Grandstand at simbahan ng Quiapo ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Magkakaroon din ng signal jammer sa lokasyon kung nasaan ang prusisyon.
Samantala, nasa 20 milyong deboto ang inaasahang makikiisa sa 10 araw na aktibidad sa kapistahan ng itim na Nazareno.