Manila, Philippines – Pinayuhan ngayon ng Department of Health (DOH) ang mga may sakit, buntis at matatanda na huwag ng makipagsiksikan sa Traslacion ng Itim na Nazareno.
Ayon kay Health Spokesperson Asec. Lyndon Lee Suy, maari pa namang lumahok sa taunang pista ng poong Nazareno ang mga ito pero mangyaring mag-abang na lamang sa daranaan ng Traslacion.
Paliwanag ni Lee Suy na manatili na lamang sa Basilica ng Itim na Nazareno ang mga buntis, maysakit at nakatatandang deboto upang hindi na ang mga ito makasama pa sa sakitan at tulakan ng mga deboto na nais pumasan sa andas na pinaglululanan ng Nazareno.
Pinaiiwas din nito ang pagsasama ng mga bata pero kung hindi anya maiiwasan ay lagyan ang mga ito ng name tag kung saan nakalagay ang pagkakakilanlan nito, address at contact person sakaling mawala.
Paalala naman ni Lee Suy sa mga magtitinda at deboto na huwag itapon sa kalsada ang mga stick ng pagkain dahil maari itong masugatan sa mga nakapaang deboto.