TRASLACION 2018 | MPD, tiniyak na walang aktwal at direktang banta sa seguridad

Manila, Philippines – Tiniyak ngayon ni Manila Police District Director Chief Superintendent Joel Coronel na walang indikasyon ng aktwal o direktang banta sa gagawing prusisyon ng poong Itim na Nazareno sa January 9, 2018.

Ayon kay Coronel, ito ay batay na rin sa mga idinaos na serye ng Coordinating Conference ng pulisya sa iba’t ibang mga Intelligence Agencies kagaya ng National Intelligence Coordinating Agency, Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines, intelligence component ng Philippine Army, Philippine Navy, PNP at maging ng National Bureau of Investigation.

Ang mga pagpupulong ay sinimulan noon pang Disyembre hanggang nitong January 3, 2018.


Magkagayunman, tuluy tuloy pa rin ang ginagawang monitoring ng Intelligence Community.

May mga operasyon din na isinasagawa para matugunan at mapaghandaan ang anumang posibleng threat scenario.

Kasabay nito, nananawagan din si Coronel sa publiko na makipagtulungan sa mga otoridad.

Kung mayroon umanong kahina-hinalang makikita ay agad itong ipagbigay alam sa kinauukulan para agad na maaksyunan.

Facebook Comments