TRASLACION 2018 | Quiapo Church, handa na sa pagbalik ng Poong Nazareno mula Quirino Grandstand

Manila, Philippines – All set na ang pamunuan ng Quiapo Church at mga katuwang na ahensiya para sa pagbalik ng Poong Nazareno mula Quirino Grandstand.

Ayon kay Manila Police District Station 3 Commander Supt. Arnold Ibay, nakatalaga na sa kanilang mga posisyon ang mga tauhan ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, at Red Cross para umagapay sa pangangailangan ng mga deboto.

Pansamantala na rin aniya nilang pinaalis ang mga tindero sa paligid ng simbahan.


Nanawagan naman si Fr. Douglas Badong, Parochial Vicar ng Quiapo Church, sa mga namamanata na sana’y maging responsable para sa matiwasay at ligtas na Traslacion.

Anim na kilometro ang babagtasin ng mga deboto at andas ng Nazareno kaya 23 kalsada ang apektado.

Naglabas na rin ng abiso ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) hinggil sa mga kalsadang isasara para bigyang daan ang prusisyon.

Simula alas-12 ng hatinggabi kanina, sarado ang ilang kalsada sa Maynila kasama ang Jones at Quezon Bridge, Katigbak hanggang Kalaw, at ang magkabilang bahagi ng Quezon Boulevard.

Facebook Comments