Manila, Philippines – Naibalik na sa simbahan ng Quiapo ang imahen ng Itim na Nazareno.
Alas-2:20 kaninang umaga nang maipasok sa simbahan ang andas.
Tumagal ng higit 21 oras ang prusisyon na nagsimula na nagsimula kahapon sa Quirino Grandstand alas-5:08 ng umaga
Mas mabilis ito kumpara sa Traslacion nitong nakaraang taon na umabot ng 22 oras.
Naging mabilis din ng usad ng andas sa kabila ng dami ng deboto na dumagsa ngayong taon.
Alas-11:30 kahapon ng umaga nang dumaan ang andas sa Jones Bridge na pinakabinabantayang lugar dahil sa posibleng may mahulog na tao sa Ilog Pasig.
Alas-10:30 kagabi nang makarating ang andas sa Plaza del Carmen kung saan pansamantalang inihinto ang prusisyon sa harap ng San Sebastian Basilica para sa tradisyunal na ‘dungaw’ o pagtatagpo ng imahen ng Nazareno at Our Lady of Mount Carmel.
Sumisimbolo ito sa pagkikita ni Hesukristo at mahal na birheng Maria bago ipako sa krus.
Naging pahirapan din ang pagpasok ng andas sa simbahan ng Quiapo dahil sa ‘hindi mahulugang karayom’ na dami ng tao.