Traslacion ng Poong Itim na Nazareno sa Enero 2021, kinansela na

Sa kauna-unahang pagkakataon, hindi magsasagawa ng prusisyon ng Poong Itim na Nazareno sa Enero 2021.

Ito ang napagkasunduan ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila at ng pamunuan ng Quiapo Church bilang pag-iingat sa banta ng COVID-19.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, kung hindi kakanselahin ang traslacion, posibleng maging dahilan ito ng pagkalat ng sakit at mapahamak ang mga deboto.


“Nakikisuyo po ako, wala pong mga para-parada, wala pong mga prusi-prusisyon. Dahil mahirap pigilan ang mga tao at ang mga tao naman ay mapapahamak, malalagay sa alanganin,” ani Moreno.

Aminado naman ang pamunuan ng Quiapo Church na nalulungkot sila sa pagkansela ng taunang prusisyon pero nauunawaan nila na kailangang sumunod sa health protocols dahil nananatili pa rin ang banta ng COVID-19.

Sa halip, magsasagawa na lamang sila ng mas maraming misa sa Enero 9, 2021.

Ang kapistahan ng Poong Itim na Nazareno ay taunang ipinagdiriwang at dinadaluhan ng libu-libong deboto mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Facebook Comments