TRAVEL ABROAD | Jinggoy Estrada, pinayagan nang makapag-abroad

Manila, Philippines – Pinayagan ng Sandiganbayan si dating Senador Jinggoy Estrada na makabiyahe sa Hong Kong kasama ang kaniyang pamilya sa gitna ng kinahaharap niyang kaso kaugnay ng pork barrel scam.

Sa resolution mula sa Fifth Division ng anti-graft court na may petsang Disyembre 12, pinayagan si Estrada na makabiyahe sa Hong Kong mula Disyembre 26 hanggang 31 bilang konsiderasyon na rin raw sa right to travel nito.

Sabi ni Estrada, ang purpose ng biyahe niyang ito ay para makasama niya ang kanyang pamilya ngayong holiday season.


Ito rin aniya ang pagkakataon nila para makapag-relax at makapagpahinga na rin sa pressure ng kanyang pangangampanya para sa 2019 Midterm election.

Kasabay nito, tinutulan naman ng prosekusyon ang biyahe ni Estrada dahil sa kawalan umano nito ng urgency.

Iminungkahi pa ng prosekusyon na sa Pilipinas na lamang sina Estrada magdiwang ng holiday season.

Hindi rin umano nakapagbigay si Estrada ng itinerary at telephone number kung saan siya pwedeng ma-contact.

Pero giit ng korte, sapat na ang P2.6 milyong travel bond na inilagak si Estrada sa kanyang mga naunang biyahe para tumupad siya sa mga kondisyong itinakda nila.

Inuutusan ng Sandiganbayan si Estrada na magpakita sa division clerk of court sa loob ng limang araw kasunod ng kaniyang pagbabalik bansa at magsumite ng mga kaukulang travel document.

Facebook Comments