Ipaghaharap ng mga reklamong illegal recruitment ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang consultancy firm at travel agency na naka-base sa Dubai dahil sa sinasabing pag-aalok ng mga pekeng trabaho sa Malta at Italy.
Ngayong Martes ay sinalakay at ipinasara ng mga opisyal ng DMW ang tanggapan ng Legal Connect Travel Consultancy sa Brgy. Veterans sa Quezon City.
Batay sa online at physical surveillance ng DMW, nakumpirma nilang sangkot sa illegal recruitment ang Legal Connect dahil wala itong lisensya mula sa departamento.
Nag-ugat ang kaso matapos na makatanggap ang DMW ng reklamo sa tatlong biktima.
Nabatid ng DMW na hinihingan ang mga aplikante ng P200,000 hanggang P380,000 na placement fee at pinapangakuan ng trabaho bilang caregivers at agricultural workers sa Italy at hotel workers sa Malta.
Naabutan ng DMW sa operasyon ang general manager at ilang empleyado ng ahensya na tumangging tanggapin ang closure order dahil wala pa ang kanilang abogado.