Hindi na kailangang kumuha pa ng travel authority mula sa Philippine National Police (PNP) ang mga lokal na turistang planong bumisita sa isla ng Boracay simula ngayong araw, October 1.
Ito ang nilinaw ng Department of Tourism (DOT) hinggil sa mga dokumentong hinihingi ng local air carriers kapag pupunta sa Boracay.
Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, ang negatibong resulta mula sa real-time Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test na isinagawa 48 hanggang 72 oras bago ang biyahe ay maaaring ipakita.
Dagdag pa ng kalihim, kailangan ng mga bibisita na magpasa ng online health declaration forms at kumpirmadong accommodation bookings bago mag-check-in.
Ang DOT-Western Visayas ay pinapayuhan ang mga biyahero na magkaroon ng tourist QR codes para ma-access ang mga serbisyo sa Boracay.