Nagpatupad na ng travel ban ang ilang bansa para sa mga pasaherong darating na manggagaling sa South Africa.
Kasunod ito ng panibagong B.1.1.529 variant ng COVID-19 na nadetect sa South Africa at lumabas na mas nakakahawa kumpara sa mga naunang variant.
Kabilang sa bansang nagpatupad ng travel ban ang United Kingdom na pagbabawalan na ang pasaherong magmumula sa South Africa, Namibia, Lesotho, Eswatini, Zimbabwe at Botswana.
Ang Portugal naman na itinuturing na may pinakamataas na antas ng pagbabakuna sa buong mundo ay nagpatupad na rin ng restriksyon kung saan kailangan nang magpakita ng negatibong test certificate bago makapasok sa kanilang bansa.
Samantala, kahapon ay inihayag din ng Israel na bawal nang pumasok sa kanilang bansa ang mga foreigner na magmumula sa South Africa at lima pang bansang nabanggit.
Tinatayang nasa 100 specimens na sa South Africa ang kumpirmadong B.1.1.529 variant.
Maliban sa South Africa, ilan sa mga bansang nadiskubre ang B.1.1.529 variant ay ang Botswana at Hong Kong.